Thursday, April 19, 2007

Kainan na!

Oo. Gutumin akong tao. Parang sakit ko na nga ito-- sakit sa bibig. Busog naman ang tiyan pero ayaw huminto ng aking bibig sa pag-eehersisyo. Sakit na din sa bulsa. Hindi ko man lang namamalayan, wala na pala akong pera! Naikain ko na! Ang masaklap nito, hindi ko alam kung saan napupunta ang kinakain ko. Hindi man lang tumataba ang buto ko! (UUyyy...gifted)

Kaya naman ang unang hinanap ko dito sa ciudad ay ang mga pinakaSULIT, pinakaMALAPIT, at pinakaMASARAP na kainan. (Wow! bagong bersyon ng Ang PInaka. Alis dyan Pia Guanio! : ) Kahit magkandaligaw at sumuot sa mga hindi kilalang eskinita dito sa ciudad, hindi kami tumigil ni Mafe sa pag-iikot. Ang aming unang natagpuan, ang Silogan ni Kuya na may tv at may asong matahol doon sa Road 1 ata yun(?) Madami naman ang kanin nila! Mabigat na din sa tyan. At dahil mahilig naman ako sa Tapsilog, ayus na din. Ang presyo? Dito naman lahat nagkakatalo. 40 pababa. Solb na din. Bonus pa ang malamig nilang tubig.

Pangalawa naman ay ang kainan sa tabi ng opisina ng APFTI: Ang kainan ni Kuyang mahiyain na nakikipagkilala kay Mafe (haha!) At ni Ogie na rakistang mahilig sa TYpecast! (Yahoo! Rock on!) Hmmm...dahil malapit siya sa opisina at hindi na namin kailangang maglakad pa ng malayo, Astig na din! At dahil madalas pang pinapatugtog ang maingay na Typecast, Astig na din! Ang presyo? 40 lang din, busog ka na! Malamig din ang tubig.

Eto ang panalo sa lahat. Sa kainan sa hindi kalayuang lugar sa kabilang kalsada, kung saan ang rice toppings ay nagkakahalaga ng tumataginting na 25 pesos! Ang ulam, lutong bahay! Hindi prito ha! Kung kanin ang pag-uusapan, Solb na solb! (haha! nakakagutom) Dito lang ako nakahanap ng ganito! Walang sinabi ang Papus ng Yufielvi!

Akala mo isang magaling na kritiko sa pagkain o!? (hehe) Minsan... habang kumakain... nabulunan ako! Panandaliang nahirapan sa paghinga. Bumara sa aking lalamunan ang ilang butil ng kanin. Naluha ang aking mga mata sa hindi inaasahang kaganapang ito. Naghabol ako sa paghinga. Dali-daling pumasok ang masaganang hangin sa aking ilong at naglakbay ito sa buo kong katawan. Hanggang sa marating nito ang aking utak! At bigla kong naisip ang mga taong responsable sa pagkaing nilalasap ko ngayon... (Wow! hanep sa segue!)

Bakit nga ba sa presyo na lang lagi nagkakatalo ang mga bagay? Bakit sinasabing sulit kapag mura? Bakit?

Isipin ko na lang ang mga magsasakang nagtanim ng palay para maging bigas at kanin na siyang kinakain ko ngayon. Kung ilan ulit na nabilad ang pagal nilang katawan sa bagsik ng araw at ulan. Isipin ko na lang ang mga nag-alaga ng manok na pinanggalingan ng itlog sa aking tapsilog. Isipin ko na lang ang mga nag-alaga sa baka, manok, baboy para may karneng nakahain. Isipin ko na lang ang mga nagtanim ng puno ng mga prutas na kinakain ko. Isipin ko na lang ang nagluto ng kinakain ko ngayon. (Ang dami palang dapat isipin)

Kapag naisip mo na, masasabi mong sulit nga talaga! Dahil sa isang plato ng pagkain na nakahain sa iyo, ilang buhay ang dumaan diyan. Dugo at pawis lang ang puhunan. Ikaw? Uupo na lang.

Sila kayang mga manggagawa? Iniisip nila kung sulit ba ang inilaan nilang sakripisyo at pagod sa kakarampot nilang kita?

Sana lahat na lang na kainan may Fair Trade Seal. Para sulit talaga!


" Before you've finished your breakfast this morning, you'll have relied on half the world."
-Martin Luther King
-leslie





No comments: